Friday, March 26, 2010

Daig ko pa ang Speechless

...
...
...

Ano ba yan. Eto hirap pag bakasyon, wala akong magawa. Tataba nanaman ba ako nito? Ganon nanaman ba ulit ang sistema? Taon taon nalang!

Tinatamad ako magkwento sa lakad ko kahapon. Basta nag-Mcdo kami. Urat kasi! No Migs?

At wala din ako sa mood mag-ingles. Baka magtampo si Bob Ong sakin pag minsanan ko lang gamitin ang wika namin. Close? Tutal nabanggit ko naman si Bob Ong, siya nalang ang pag-usapan natin. Wala na rin akong magagawa, napakawalang kwenta ng post na to.

Nag-meet kami ni Bob Ong sa loob ng libro niyang Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? Actually nung mga oras na yun bored din ako kaya naisipan kong basahin. Nakakalat lang kasi sa bahay. Inaalikabok. Madumi na. Hindi ko alam na yung librong yun pala ang magmumulat sa mata ko sa mga gusto kong abutin sa buhay. Yung librong akala ko kalat lang sa bahay. Bullshit ka Bob Ong!

Bilib ako sa sarili ko, di talaga ko mahilig magbasa talaga. Pero nang matapos ko yung librong yun, naghanap ako ng iba pa niyang libro. Ayos kasi yung mensahe, totoong masakit.

Yung Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? na libro niya, simula palang nung libro mapapaisip ka na. Matatawa ka na nga lang minsan sa mga kakulangan ng common sense ng mga Pilipino. Nakakaalyiw. Binuklat ko ng binuklat. Sinapuso ko bawat mensaheng nais iparating ni Bob. Nagpatuloy ako sa pagbabasa.

...
...
...

... At nagbasa pa. Habang pakapal ng pakapal yung mga pahinang nabasa ko na, gumagawa na ko ng maliit na kwarto sa isip ko -- doon sa kwartong yun nalaman ko kung ano ba talaga ang gusto ko.

Minsan nga hindi ko na matawag na pagbabasa pa yon, sa tuwing nagbabasa kasi ako ng mga libro niya, nagiging makatotohanan lahat. Para bang kasama ako sa kwento. Minsan hindi lang pala dapat ang mga mata mo ang ginagamit mo sa pagbabasa, pati pala ang puso.

Pagtapos ng librong yun, binasa ko naman yung ABNKKBSNPLAko?! Wag kang matatawa pero naiyak ako sa kwento. Tungkol kasi to sa pag-aaral niya. May catch phrase siyang sinabi don. Yung kailangan niya ng oras na walang magsasabing mali siya. Parang ganon! Tae. Hiniram ko lang kasi yung librong yun eh. Di ko tuloy mailagay dito.

Natapos ko yung libro ng wala pang isang araw. Ang daming aral. Nainis ako kasi ang babaw ng tingin ko sa sarili ko pagkatapos nun. Minaliit ko ang pag-aaral ko. Akala ko kasi marami pang opurtunidad akong matatanggap. Yun pala, isang beses lang pala ang pagkakataon na yun.


Sunod kong nabasa ang Kapitan Sino. Sobra akong naiyak sa ending. Nakakainis kasi. Parang totoo talaga. As in binasa ko pa ulit yun pagtapos ko basahin. At nung natapos ko ulit, naiyak pa din ako.

Tessa: Maganda ba ang langit?
Rogelio: Oo.
Tessa: May buwan?
Rogelio: Wala.
Tessa: May mga bituin?
Rogelio: Oo.
Tessa: Nagsisinungaling ka.
Rogelio: Pano mo alam?
Tessa: Hindi ka sa langit nakatingin.


Di ako sure kung yan yung exact words. Pero nanjan yung thought. Jan ako lalo pag napahanga kay Bob. Bulag nga pala si Tessa.

Hindi pala kailangan ng pangalan para makilala ka sa mga kabutihang nagawa mo. Basta dapat sa tuwing tutulong ka, alam mo sarili mong gusto mo ang ginagawa mo -- at hindi dahil sa may pinanghahawakan kang responsibilidad, o may mga kaya kang gawin na hindi kaya ng iba. Yan ang mensahe sakin ni Kapitan Sino. Sana magkita kami ulit. Iniligtas niya din kasi ako sa pagkakahulog ko sa bangin na puno ng maling paniniwala ko sa buhay. Dininig niya yung saklolo ko. Sayang hindi naisulat yun ni Bob sa libro niya.

Sunod kong binasa ang Stainless Longganisa. Yan ang paborito ko. Tungkol kasi yan sa karir niya ngayon -- ang pagsusulat. Lalo siyang nagsilbing inspirasyon na ipagpursigi ko yung pangarap kong maging tulad niya. Di ko makakalimutan nung kinuwento niya doon na may umangkin daw sa akda niyang ABNKKBSNPLAko?! Natawa na lamang siya ng malaman niya yon. Sinabi pa niya na di daw maiiwasang maikulong mo ang sarili mo sa mga ideyang nakukuha mo sa paborito mong manunulat. Sinasabi lamang niyang hindi maiiwasang may mga bahagi kang magagaya o makokopya. Pero yun ang dapat mong iwasan. Kailangan mong gumawa ng sarili mong ideya. Sariling mga salita sa tuwing susulat ka.

"The older I grow, the less important the commas become. Let the reader catch his own breathe."

Nandon yan sa libro niya. :-D

Sunod kong binasa ang Mac Arthur. Dalawang oras ko lang atang inupuan yon. Nasa 100 pages lang kasi. Pero maganda ang kwento. May aral. Hindi lahat ng tao nabibigyan ng pagkakataong magbago. Katulad ni Cyrus.

"Mga bata pa kayo. Pag pinaniwalaan namin kayong hindi kayo naglalaro ng tubig kahit na basang-basa ang mga damit ninyo, kayo ang niloloko namin. HIndi kayo ang nakakapanloko."

- Mang Justo, Lolo ni Cyrus.

Hindi ko pa nababasa lahat. Minsan nga bibisita ako sa National Bookstore tas doon ko babasahin. Wala akong pera para bumili. At hindi ko kailangang bumili, isinasapuso ko kasi yung mensahe.

Gusto ko ding magsulat. Magsulat ng tulad ni Bob. Gustong-gusto ko. Minsan kong sinubukang sumulat ng maikling kwento, nanginginig ang kamay ko habang hawak ko ang bolpen. Walang pumapasok sa isip ko na mga ideya. Siguro kasi masyado kong pinipilit ang sarili kong maging kasing galing agad niya, nakalimutan ko na ang lahat nga pala ay nagsisimula sa maliit. Kahit gusto kong magsulat, kapag walang ideyang pumapasok sa isip ko, hindi ko pinipilit sumulat. Bakit? Kahit pa gusto mo yun, kung hindi naman gumagana ang isip mo kasama ng puso mo, wala ka ding masusulat. Hayaan mong ang oras na mismo ang magsabi at hayaan ang kamay mong ramdamin ang bawat letrang ginagawa mong "miyembro" ng kwento mo.

Haynako. Masyado na akong "speechless". Yan pala ang walang masabi ha. Masaya ako kasi mas masarap magsulat kapag tagalog ang gamit mo. Trying hard naman kasi akong mag-ingles. Sana may magtyagang magbasa.

2 comments: