Wednesday, April 28, 2010

Kwentong Ewan

Kapag may problema ka, sino ang una mong naiisipang lapitan? Paano kung wala? Paano mo sosolusyunan ang problema mo? Ng mag-isa...

Walang problema si Bernard. Lagi siyang nakangiti at nakatawa. Siya ang binansagang payaso ng mga kaibigan niya. Magaling siyang sumayaw, sumulat ng mga kanta at gumuhit. Matalino ang bida nating si Bernard. Lahat na nasakanya.

Yan ay sa mata ng mga kaibigan niya...

Isang problema si Bernard. Tamad siya at hindi gumagawa ng gawaing bahay. Laging nakasalampak sa malambot na kutson at panunuod ng TV ang trip niya. Laging nakasimangot. Napagtutulungan madalas ng mga kapatid niya lalong lalo na ng kuya niya. Burara siyang bata at hindi nag-iingat kaya wala siyang kilos na walang aksidenteng nangyayari.

Yan ay sa mata ng pamilya niya...

Marami sanang talento si Bernard. Pero hindi niya ito pinagtutuunan ng pansin. Nakukuha nga niya ang suporta ng maraming tao, pero hindi naman iyon ang kailangan niya. Suporta lang ng pamilya niya ang gusto niya. Kahit wag na ng ibang tao, kahit sa pamilya na lang niya. Punong-puno ng pangarap si Bernard. Pangarap niyang mag-architect at igagawa niya ng bahay ang pamilya niya. Nangungupahan lang kasi sila. Gusto niyang magkaroon sila ng sariling bahay eh. Masipag naman siya kung pag-aaral ang pag-uusapan. Hindi niya pinapabayaan ang pag-aaral niya. Yun nalang kasi ang maipagmamalaki niya sa mga magulang niya sa ngayon.

"Kaya ayaw ko dito sa bahay. Walang araw na hindi ako nasesermonan." sabi ni Bernard sa sarili niya. Madalas nalang tuloy siya sa labas ng bahay nila, nakaupo sa mahabang bangko sa tapat ng tindahan kasama ng mga kaibigan niya, at namamakyaw ng maaalat chichirya.

Isang araw...
"Ano ba naman yan Bernard! Nakahiga ka nanaman! Napakatamad mo!" sabi ng kuya niya. Naisumbat nanaman sakanya ang katamaran niya. Di nalang siya sumagot, hahaba lang pagtatalo nilang magkapatid.

Tamad si Bernard. Tamad sa lahat ng bagay. Di kasi siya bilib sa sarili niya pag siya'y nasa loob ng bahay. Naalala niya tuloy nung inutusan siya ng nanay niya na mag-igib ng tubig, kukunin na sana niya yung timba ng biglang agawin sakanya yun ng tatay niya.

"Ako nalang! Mamaya kung ano nanamang aksidente ang abutin ng batang to!"

Sino nga namang magsisipag sa ganyang lagay? Natakot na siguro ang bida nating si Bernard na magkamali kaya mas pinili niyang maging tamad nalang. Kumikilos nalang siya kapag inuutusan siya.

Dahil nga sa pagtatalo nila ng kuya niya, naisipan na lang niyang lumabas ng bahay. Tambay nanaman sa tapat ng bahay, mamamakyaw ng maaalat na chichirya sa pinakamalapit na tindahan kasama ng mga kaibigan niya.

Tinulak ng mga kaibigan niya si Bernard sa tinatawag nilang "hot seat". Kapag naupo ka dun, iinterrogate ka ng nakakapesteng mga tanong na hindi naman kinakailangan ng sagot. Eto ang trip nilang magkakatropa pag wala na silang magawa.

"Bernard, sagutin mo nga ako! Alien ka ba?!" sabi nung isang kaibigan niya.

"G*go talaga kayo! Wala nanaman kayong magawa!" sagot naman ni Bernard.

"Hindi. Seryosong tanong to. Hindi ka kasi nagkakaproblema. Ano ang sikreto mo?" tanong ng isa pa.

"Rejoice ang shampoo ko. Pwede tigilan niyo na ako? Kapag ako napikon magtatransform na ako sa iba ko pang katauhan." inis na sagot ni Bernard.

"Ano ba ang isa mo pang katauhan?" tanong nila.

"Power Rangers. Ako yung pink." sagot naman ni Bernard.

"HAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!! G*go pare corny mo!" kantsyaw nilang magkakaibigan kay Bernard.

"BERNARD!!!" sigaw ng nanay niya.

"Sige mga aports, uwi na ako. Nag-eevolve na yung nanay ko! May isang katauhan din siya kung di niyo maitatanong." sabi ni Bernard.

"Ano naman yon?" tanong nilang magkakaibigan.

"Si Tia Pusit. Hahahahahaha!" sagot ni Bernard.

"HAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA! O sige. Bumenta sakin kahit papano." tawa nung isa.

Umuwi na nga si Bernard. Kumain na silang magkakapatid ng hapunan.

"Bernard, iabot mo nga yung salamin sa aparador." utos ng nanay niya.

Hindi ito narinig ni Bernard kaya tuloy lang siya sa pagkain.

"Bernard!! Inuutusan kita! Napakatamad mo nanaman!" sigaw ng nanay niya.

"Nay hindi ko lang naman narinig yung utos niyo kanina! Grabe naman ho kayong magsalita." sabi niya sa nanay niya. Hindi na niya tinapos yung pagkain niya at umakyat na lamang sa kwarto niya.

Kinabukasan...

"Pre! Sali ka na sa fraternity namin. Masaya to pramis!" alok ng isang kaibigan niya.

"Ayoko. Wala akong panahon sa ganyan!" sagot naman ni Bernard.

"Sige na pre! Astig ka pag nasali ka dito! Tanggal lahat ng problema mo." pilit ng kaibigan niya.

"Ayoko!" tanggi ni Bernard.

"Kailan ka pa naging KJ?!" asar na tanong ng kaibigan niya.

Nag-isip saglit si Bernard. Pumayag din siya sa huli.

"Sige pre! Sunduin kita mamaya para sa initiation mo!" sabi ng kaibigan niya.

"Sige. Uuwi muna ako." at umalis na nga si Bernard.

Bago umuwi, dumaan muna siya sa tindahan ng kakanin para ibili ng kakanin ang pamilya niya. Paborito kasi yun ng nanay niya. Pumasok na siya sa bahay nila.

"Nay! Tay binilhan ko kayo ng kakanin! Kuya, bunso kain na kayo ng meryenda!" sigaw ni Bernard.

"Aba! Himala yata tong nangyayari!" asar ng Kuya niya.

Nanuod nalang ng TV si Bernard. Nakatulog siya habang nanunuod.

"Bernard, waaag! Waaag!" nakita ni Bernard ang isang lalaki sa panaginip niya.

"AAAAAAAAAAAAAAAAHHHHHHHHHH!!!" napasigaw si Bernard.

"Bernard! Nananaginip ka!" ginising siya ng kuya niya.

"Ahh. Sorry." sagot niya.

Ilang sandali lang, sinundo na siya ng kaibigan niya.

"Bernard! Tara na! Hinihintay na tayo don!"

"Sige Nay, alis lang ako." paalam ni Bernard.

At lumabas na nga siya ng bahay niya, naiwan niya ang Nanay, Tatay, Kuya at si Bunso nila sa loob, habang nanunuod ng TV.

"Isang di-umano'y binata ang namatay sa hazing sa isang fraternity sa Tondo, Manila. Punung-puno ng pasa at paso ng sigarilyo ang binti at braso ng nasabing biktima. Hinahanap na ng mga pulis ang suspek. At ito si Anne Torres, nag-uulat." sabi ng TV.

Namatay si Bernard, kasama ng mga pangarap niya.

1 comment:

  1. gagi. kla ko ako to. hahahaha! lgeng nkangite at nktwa. wlang suporta sa pamilya, tamad sbay gsto mging arkitek. whahaha! xD

    ReplyDelete