Hi! Ako si Alyssa! 15 years old nako at kahapon lang ang birthday ko. Adobo ang ulam namin kanina. Haaaaaayyy... Siguro sa lahat ng kwentong mababasa mo eh ganyan nalang lagi ang makikita mo sa simula. Bukod pa don ang Wansapanataym at Isang araw...
Kung tatanungen mo ang isang bata kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya, malamang sasagutin ka non ng di nag-aalinglangan at akala mo eh hindi na magbabago ang isip niya hanggang pagtanda niya. Gusto niyang maging pulis kasi gusto niyang manghuli ng masasama. Gusto niyang maging sundalo kasi trip niya ang baril-barilan. O kaya naman eh doktor kasi gusto niyang makapanggamot ng maysakit. Ngingitian mo lang yung mga sagot nila kasi napaka-isip bata kung papakinggan, pero kung iisipin mo, nandon ang hangarin nilang makatulong sa mga kababayan nila. Makikilala mo ang bawat personalidad ng mga batang ito. Yung iba napaninindigan, yung iba hindi. May iba kasing talentong nakalaan sakanila siguro.
Natanong din ako ng ganyan noon, lahat naman yata tayo. Kailangan kasi yun sa yearbook namin nung prep. Doktor ang sinagot ko. Pero hindi yun ang trip ko. Wala lang, majority kasi ng klase yun ang isinagot. Nakigaya lang ako. Yun ata ang uso eh.
Nung lumaki na ako, yung mejong laki lang, nagsimula akong magturo sa mga batang mas maliliit sakin. Wala lang. Trip ko lang ulit. Tinurunan ko sila ng Spelling, Math, Science, lahat ng subject na itunuturo din sakin sa school. Nagdadasal pa nga kami before and after ng "klase" namin. Nagpapalaro pa ako pagkatapos. May mga prize! Yung mga laruan ko dati na hindi ko na ginagamit minsan ang papremyo ko, minsan kendi o biskwit. Ang sarap palang matawag na "teacher" no? Hindi lang ako naging teacher sakanila, naging ate din ako na nalalapitan nila pag nag-aaway away sila. Madalas pa akong masabihan nun isa kong estudyante na ang ganda ko daw ngayon. Akala niya siguro patok sakin ang favoritism. Pero noon lang yun. Tinigilan niya na yon nung wala siyang napala, siguro natauhan.
Nagsimula sa apat yung mga naging "estudyante" ko. Tapos naging lima.. Naging anim... Tapos pito. Mahilig ako sa bata noon. Ngayon, depende nalang kung cute. Malapit ako sa mga bata noon, natututo kasi ako sakanila. Hanggang ngayon naman. Pero ang pinakamahalagang aral na nakuha ko sakanila ay nadadaan sa paglilibang ang lahat ng problema mo.
Pero nung tumanda na ako, pati na din sila, napag-isip isip ko na hindi na nila ko kailangan. Marunong na silang mag-aral mag-isa at karamihan sakanila ay honor students pa. Hindi na din nila ko kinikilalang teacher ngayon, nakakalungkot isipin.
Pagtungtong ko ng grade 6, nahilig ako sa pagsusulat ng tula. Kahit pangit yung gawa ko natutuwa ako pag NAKAKATAPOS ako ng tula. Hanggang narinig ko yung isang classmate ko nung nagtanong siya sa teacher namin, "Ano po ba yung course sa pagsusulat?" sagot ng teacher namin, "Journalism." JOURNALISM! Yun ang gusto ko.Gusto ko DIN yun.
Dun ko nalaman ang pangarap ko. Hindi pag-dodoktor o pagtuturo ang trip ko. Trip ko magsulat. GUSTO kong magsulat. Pagtungtong ko ng first year, di ko masyadong napagtuunan ng pansin ang pagsusulat. Masyado siguro akong busy kakamemorize ng formulas sa Integrated Science o kakaisip ko paano ko igagapang ang nag-aagaw buhay kong grade sa Elementary Algebra. Pero napupuri naman ang mga Formal Themes ko sa English. Lalo na pag kwentong K.I. (kathang isip.) lang. Di ko makakalimutan yung ataw na pinagbasa nung English teacher ko yung mga naka-perfect sa Formal Theme na pinagawa niya. "Yes! Moment ko na to!" Bulong ko sa sarili ko. Ang tagal kong hinintay ang pangalan kong matawag. Ang tagal, promise. Tinitingnan ko yung papel ko at kung paano ko yun babasahin. "Krriiingggg!", hanggang sa tumunog ang bell. Goodbye sa moment ko.
Nung nag-second year ako, mas lalong hindi ko napagtuunan ng pansin ang pagsusulat. Nabarkada kasi ako. Pero nakakagawa naman ako ng mga simpleng patawang kanta na hango sa ibang kantang pinalitan ko ng lyrics. Tinuturing kong pagsusulat yon, nilagyan lang naman ng tono pero ganon din yon. Napuri padin naman ang mga gawa ko kahit papano. Nanghingi pa nga ng kopya yung teacher ko ng isang kantang gawa ko. Ang sarap pakinggan pag kinakanta yun ng mga kaklase ko. Ang sarap ipagmalaking ako ang gumawa non.
Nung third year ako, mas lalong lalo akong nalihis ng atensyon sa pagsusulat. Hindi na ako nakakapagsulat, hindi dahil tinatamad ako, kungdi dahil wala na akong oras. Aminin man ng lahat, 3rd year ang pinakamahirap at pinakamasayang parte ng hayskul. Nandiyan kasi ang best of friends na sina Geometry, Chemistry at Trigonometry. Iisa pa nga ang motto ng mga yan eh, "Ibagsak lahat ng tamad!". Pero nung pinagawa kami ng teacher namin sa Geometry ng essay tungkol sa siyam na buwan naming pamamalagi sa tiyan ng nanay namin. Oo! Di ka nagkakamali ng basa! GEOMETRY teacher ang nagpagawa niyan. Hindi ko alam kung expired na peanut butter yung naipalaman niya sa tinapay niya. Dahil yun lang ang assignment nung araw na yun, napaghandaan ko ang obra kong iyon. Kinabukasan, binasa niya sa harap yung gawa ko. =)
Simple lang daw magsulat. Kukuha ka ng papel at panulat, at hahayaan ang kamay mong isalin sa papel lahat ng naiisip mo. Para sakanila yon. Pero para sakin, hindi simpleng magsulat. Hindi sapat na hayaan mo nalang lahat ng trabaho sa kamay at isip mo, kailangan mo din isapalagay na kailangan may kabuluhan ang isinusulat mo. Kailangan mong sumulat kasama ang puso mo. Hindi naman lahat ng ideya sa isip lang nanggagaling, yung iba pwede sa puso kunin. Diyan din kasi nanggagaling yung passion mo, na gusto mo yung ginagawa mo. Kung utak lang pinagkukunan mo ng ideya, hindi tao kungdi robot lang ang gumawa non.
Hindi naman ako nagsusulat ng dahil sa makukuhang puri ng iba. Naniniwala kasi ako na hindi tungkol dun ang pagsusulat. Ang mga isinusulat mo ay isang maliit na imahe ng sarili mo. Kaya kung yon ang itatanim ko sa isip ko habang nagsusulat, makikita yon ng mambabasa ko.
Nagsusulat lang din ako pag trip ko lang. Tulad nito. Ayokong nagsusulat nang hindi emotionally ready, dapat lahat ng sama ng loob nasa akin. Tulad ng tropa kong si Bob Ong, mas nakakapagsulat ako pag malungkot ako. Alam siguro naming sa ganong paraan gagaan ang loob namin.
Nakakawala ng kumpiyansa sa sarili ang pagsusulat. Naiisip mo kasi yung mga taong mas magagaling pa sayo, iniisip mo kung may magtyatyaga kahit isa man lang na magbasa ng gawa mo, iniisip mo ang magiging kritiko ng ibang tao sa gawa mo, at ang pinakamasaklap, napakaliit na tao mo kapag manunulat ka LANG. Kailangan gagawa ka muna ng personalidad para kilalanin ka ng tao sa mga sinusulat mo. Kailangan steady ka lang pag naalyiw na ang tao sa mga gawa mo. Kailangan mahuli mo ang panlasa ng maraming tao. Ang daming naiisip, ang daming kailangan. Pero karamihan sa mga pananaw na to ay mali. Hindi naman kumpitesyon ang pagsusulat, isa lang naman itong paraan ng pagpapakilala ng iyong sarili, paghahayag ng nararamdaman mo.
Yun lang naman ang mga simpleng proud to be ko sa buhay. Nakakalungkot isipin na iyan pa lang. Pero hindi ko naman dapat madaliin ang buhay, alam kong madami pa akong masusulat. Madami pa akong magagawa. *end*
Tuesday, April 27, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
ganda! :))
ReplyDeletehehe thanks
ReplyDeleteLIKE! =) someday gusto ko ding maging writer e! we have the same dreams.
ReplyDelete